Miyerkules, Setyembre 7, 2016

Postmodernismo

Postmodernismo





Sinasabing ang postmodernismo ay lumitaw dahil sa kailangan nang bigyang pangalan ang iba’t ibang texto na mahirap nang ikahon ang porma at nilalaman.  Simula nang proyektuhin ng post-istrukturalismo ang pagdikonstrak sa namamayaning sentro at kaalaman, ang mga naglitawang texto ay humulagpos na sa mga saklaw ng disiplina ng linguistika, pilosopiya at kahit sa “teorya.”  Kahit nga ang diskursibong praktis (discursive practice) ni Michel Foucault ay hindi na sapat para ipaliwanag ang mga bagong likhang kaalaman at pormang pampanitikan.
Sinasabi na maiintindihan lamang ang postmodernismo kung ito ay bigyang-kahulugan in reference sa katambal nitong modernismo.  Ang modernismo, ayon sa mga praktis ng mga kilalang manunulat at artista ay yaong may pagpapahalaga sa konsepto ng subhektibo, fragmentasyon, paggiba ng pagkakaiba ng genres, at tendensiyang ikwestyon ang mismong genre—para makalikha ng isang inobatibo at eksperimental na texto.
Ganito rin halos ang postmoderno kayat parang wala ring pagkakaiba.  Ang malaking kaibahan lang ay, habang ang moderno ay nagsusumikap na makabalik sa sentro para maitanghal ang kaisahan ng texto, ang postmoderno naman ay sineselebra ang kawalan ng kaisahan ng texto at kawalan ng sentro.  Tinawag na “nostalgia” ang hangarin ng una at may karakter na pesimista at malungkot.  Samantala masaya at makulay ang postmoderno sa paglalaro at paghahalo-halo nito ng iba’t ibang texto na pinulot sa kung saan-saang espasyo at panahon.  Tinawag na “pastiche” ang ganitong kapamaraanan na ginagamit ng postmodernismo.
Marahil higit na maiintindihan ang ganitong pagkakaiba kung ipapakita sa visual arts.  Ganito ‘yon: habang dinadakila ng modernismo ang minimalismo at abstract art, ang postmoderno naman ay nagpapamukha ng naturalismo (sa literal na pakahulugan at mas kilala sa tawag na “kitsch”) at pinagsama-samang mga imahen mula sa iba’t ibang porma at genre ng visual arts (collage o “pastiche”).
Ayon kay Francois Lyotard, ang postmodernismo ay tumatahak sa direksyon ng paglikha ng ‘mininarratives’ at hindi ‘metanarrative.’  Ang ‘mininarrative’ ay yaong mga temporaryo, relatibo at makahulugan lamang sa isang ispesepikong grupo; halimbawa, ang texto ng homosekswal at babae.  Ang ‘metanarrative’ naman ay yaong autoritatibo, mapanakop at mapamuo (totalizing) na texto tulad ng “nasyunalismo” at “imperyalismo” na texto.
Isa pang katangian ng postmodernismo ay ang paniniwala nito sa kultura ng “hyperreality” kung saan ang katotohanan ay puwede nang madanasan sa isang hindi makatotohanang senyas at signifikasyon.  Tinawag itong “simulacra” ni Jean Baudrillard.  Sa ganitong pananaw, sinabi niya na “hindi nangyari ang Vietnam War” dahil ang nakikita at nabasa lamang natin tungkol sa Vietnam War ay yaong mga representasyon nito (na inakala na nating siyang totoo, na ginamit lang pala ng Amerika para tabunan ang kanilang pagkatalo sa Vietnam).
Ilan sa mga proyekto ng postmodernismo ay ang (1) paglantad ng postmodernong elemento sa isang texto, (fragmentasyon, non-linyar na naratibo, walang sentro) (2) Pagpapaharap (foreground) ng mga akdang may proyektong itago ang “real” lalo na yaong gumagamit ng “pastiche,” (mga nobela ni Gabriel Garcia Marquez?) (3) pagpapaharap ng mga intertexto, (pagbasa ng The Matrix at E. T. bilang intertexto ng mga relihiyosong texto) (4) pagpapaharap ng nakaraan (past) sa isang perspektibong balintuna (ironic), (historiographic metafiction tulad ng The Great Philippine Jungle ni Alfred Yuson) (5) kontrahin ang pananaw na may pagkakaiba ang mga uri ng kultural na texto (hal. Komiks at nobela) at susubukang pagsamahin ang mga ito para makalikha ng isang “hybrid” (ang pelikula ni Peque Gallaga na Pinoy Blonde na gumamit ng komiks at animation o ang Kill Bill ni Quintin Tarantino).