Lunes, Oktubre 24, 2016

Marxismo



 Ang naunang marxismo na base sa idea ni Karl Marx at Friedrich Engels ay isang ideolohiyang may layong ibalik sa humanisadong kondisyon ang dehumanisadong tao partikular na ang uring manggagawa na siyang epekto ng direktahang relasyon sa pagitan ng ekonomiko (base) at ideolohiya (superstructure).  Ang huling marxismo, na sinimulan ni Louis Althusser ay naglalantad ng ideolohiya sa pamamagitan ng pagpapalitaw ng mga aparatus sa lipunan na siyang nagpapanatili at bumubuhay ng hegemonya ng naghaharing-uri at ekonomikal na sistema---ang kapitalismo. 
Karl Marx
Freidrich Engels
Ang klasikal na marxismo ay may fantasyang malikha ang tinatawag na ‘utopia’ o ‘classless society’ kung saan mayroong komonalidad sa pagmamay-ari sa ilalim ng estado. Deterministiko ang pilosopiyang marxismo at naglalayong mag-akda ng pagbabago.  Kaya nga’t ang palaging hanap sa texto ay ‘social relevance’ at tunggalian ng uri (class conflict). Sa tunggalian naipapakita ang alyenasyon ng uring manggagawa at kung saan ang humanidad o katauhan ay naisasawalang-bahala.  Ginagamit sa analisis ang tinatawag na diskurso ng ‘dialectical materialist’ para malikha ang marxistang idea.
Sa kritisismong marxista ina-assume na ang pagsusulat ay hindi hiwalay sa subject-position ng awtor.  Maaaring ilantad ng kanyang texto ang kanyang pagsandig sa hegemonik na sistema.  Tinutumba ng marxismo ang pormalismo dahil inilalayo ng mga porma at pananaw na nabanggit ang kritikal na pagtasa sa realidad.  Pinapaboran ang ‘social realism’ na naglalantad ng kontradiksyon at ilusyon sa lipunan.  Sa kabilang banda, may mga pagsusumikap din sa panig ng mga manunulat na pagsamahin ang pormalismong porma at marxistang nilalaman. 
Mahalaga ang naging kontribusyon ni Althusser sa paghila sa marxismo sa istrukturalismo.  Sa kanyang pananaw hindi na masyadong naging mahalaga ang indibidwal, tiningnan niya lamang ang pagiging bahagi ng indibidwal sa kolektibong pananakop at pagpapagalaw ng ideolohiya.  Kay Althusser, ang ideolohiya ay isang ‘sistema ng representasyon’ na nagpapanatili ng hegemonik na uri at kaalaman.  Kay Antonio Gramsci, ang ‘hegemony’ ay isang uri ng kontrol na nakapaloob sa lipunan na ipinapalabas na ang lahat ng kaalaman ay ‘natural’ at palaging ayon sa ‘common sense.’  Ang mga hindi pasok sa kaalamang ito ay nade-decenter o nama-marginalized.  Sa gawaing ito ng sentro mahalaga ang tinatawag na ‘symptomatic’(paghahanap sa piniping kaalaman at paglalantad ng ideolohiya) na pagbasa para mailantad ang proseso ng ‘interpellation’ (pagsakop sa subject na walang pwersahan) sa subject.
  Louis Althusser
Inimbento ni Althusser ang konsepto ng Ideological State Apparatuses (ISAs) na nagrerepresenta ng mga institusyong mapaniil at mapanakop simbahan, eskwelahan, medya, pamilya, sining, panitikan at iba pa.  Gamit ang mga pamamaraang dekonstraksiyon at postmodernismo naisasadiskurso ng marxistang pagbasa ang ang lantad at nakatagong texto sa mga akdang pampanitikan at naipapalitaw ang hegemonik na ideolohiyang kinasasandigan, pinapalaganap at pinapanatili nito---ang gitnang uri at kapitalistang sistema.

Ang Alamat ni Prinsesa Manorah



Ang Alamat ni Prinsesa Manorah
(alamat mulang Thailand, salin ni Dr. Romulo N. Peralta)
Isang alamat na pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahon ng Ayutthaya at nagbigay-inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.
Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at ang pinakabata sa pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Jantakinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago ang kanikanilang pakpak kung kanilang nanaisin.
Sa loob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot na nilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga tao. Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang pitong kinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon.
Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng
Himmapan. Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang
nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa
Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay
Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon
Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa.
Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli.
Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan.
Pinuntahan niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa kaniya ng
ermitanyo na napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad
kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon na nakatira sa
pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin
ang dragon.
Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree. Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid
at matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun na lamang ang pagkaawa ng
ibang mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad-agad na
lumipad dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.
Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe
Suton na noo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan.
Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na
naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe.
Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya
hinuli at dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran
siya nito ng napakalaking halaga.
Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang prinsesa at amang hari ang buong pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasal para kina Prinsipe Suton at Prisesa Manorah.
Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at
tuluyang namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.

Huwebes, Oktubre 13, 2016

FEMINISMO
 
 
May mga teoristang nagsasabi na ang kagandahan ng feminismo ay nasa pagiging postmodern nito---ayaw magpakahon sa alinmang kategorya.  Ang kasaysayan ng kritisismong feminismo ay puno ng kontradiksiyon.  Nariyang halos subukan nitong ipasok ang iba’t ibang teorya para lamang baliktarin at gamitin para tumbahin ang patriarkal na ideolohiya.
Isa sa mga kahanga-hangang nangyari sa feminismo ay ang pagbuhay nito ng ‘autor’ dahil pinaniwalaang ‘patay’ na ang autor sa kontemporaryong panahon.  Binigyang-halaga at importansiya ng feminismo ang autor dahil siya ang nakadanas ng karanasan at akma ng paghulagpos.  Mahalagang ‘marinig’ ng mambabasa ang tinig na pinipi ng dominante at hegemonikong kalakarang patriarkal.  
Elaine Showalter
Mahaba din ang pinagdaan ng kasaysayan ng kritisismong feminismo.  Ipinaliwanag halimbawa ni Elaine Showalter ang tatlong phases nito: ang feminine (1840-80), feminist (1880-1920) at female (1920 hanggang kasalukuyan).  Mula sa ‘panggagaya’ ng manunulat na babae sa lalaki, papuntang radikal na paghiwalay at sa pagkonstrak ng sulat at karanasan ng babae na mayroong “boses” na iba sa lalaki.  Samantala, kinilala lamang ni Toril Moi ang textong feminista ayon sa pagiging “feminist” (politikal na posisyon), “female” (biyolohikal), at “feminine” (kultural at socially constructed)---ang mga kategoryang ito ay nabuo ayon na rin sa ‘conditioning’ at ‘socialization’ na dinanas/ipinadanas sa mga babae sa mga akdang pampanitikan.  Naging layunin kung ganoon ng feminismo na ilantad ang mga ito at ipakita ang relasyon bilang mekanismo ng panlulupig ng patriarkal na sistema.
Toril Moi
Noong una ang kritisismong feminismo ay nakatuon lamang sa pagbasa ng texto ngunit noong huli ay naiangat na sa pagteteorya at dumako na sa postistruktural at postmoderno.  Ang pagka-postmodern ng feminismo ay nalikha dahil sa paghalaw nito ng iba’t ibang istilo, porma at genre sa pagsusulat; naging ‘eclectic’ na ang feminist writing.  Sa isang pagbasa, ang katangiang eclectic na ito ay nakonstrak dahil sa pagbalikwas sa dominanteng porma na naghahanap ng organikong kaisahan; na sa isang katotohanan ay instrumento sa pagpapanatili ng sistemang patriarkal at gitnang-uri.  Ngunit masasabi rin, na itong eklektismo ay ang pagsandig ng feminismo sa paniniwalang ang panulat ng babae (kailan man) ay hindi magiging tulad ng sa lalaki: rasyunal, obhektibo at hindi emosyonal.
Julia Kristeva
Isa sa mga patunay sa ganitong pananaw ay ang pagkilala, gamit ang linguistiko at sikoanalitik na teorya, sa prosa o tuluyan bilang lalaking panulat.  Handikap o magkakaroon ng kapansanan ang babae kung ito ang gagamiting porma sa pagsulat.  Dito naimbento ni Kristeva ang ‘symbolic’ at ‘semiotic’ na maaring gamitin sa pagsulat at pagbasa ng akda.  Sa ‘symbolic’ na aspeto ng texto pinaniniwalaang ang pagiging ‘fixed and unified’ ng kahulugan; samantala, sa ‘semiotic’ ang texto ay malayang gumamit ng wika sa paraang ‘displacement, slippage, condensation.’  Higit nitong pinalilitaw ang katangian ng babae bilang hindi hayag bagkus ay misteryoso.  At mas naipapakita ito sa tula kesa sa prosa.
Sa kabuuan, ang kritisismong feminismo ay may layuning muling iakda ang babae sa pagsusulat man o sa pagbasa ng panitikan.  Sa ganitong layunin ay maiaangat ang estado ng babae, mabibigyan ng boses, makalilikha ng sentro, mabigyang kapangyarihan at mailalagay sa di establing posisyon ang sistemang Patriarkal.