Huwebes, Oktubre 6, 2016

Pusa



Pusa

Mga Karakter:  Benny, 42 taong gulang, manedyer ng bangko
                           Jun, 21 taong gulang, estudyante ng law

Lugar              :  Sala ng bahay sa isang subdibisyon

Panahon       :  Kasalukuyan


Alas kuwatro kuwarenta i singko ng hapon.

(Ang ingaw ng mga pusa ay maririnig. Matinis.  Mabagsik. May lalagabog.  Papasok si Jun mula sa kaliwang bahagi ng entablado na may dala-dalang sako na may lamang mga pusa.  Maririnig ang ingaw ng mga pusa.  Walang tigil na ingaw.  Tatalian ni Jun ng lubid ang sako.  Mapapangiti siya.  Hila-hila ang sakong lalabas siya sa kanang bahagi ng entablado.  Patuloy pa rin ang ingaw ng mga pusa.  Walang tigil na ingaw.)

Alas singko diyes ng hapon.

(Papasok si Benny mula sa kanang bahagi ng entablado bitbit-bitbit ang kanyang attache case.  Parang babagsak ang kanyang mga balikat.  Hihinto sa harap ng sofa.  Hahagurin ng tingin ang mga nakatumbang upuan at nakakalat na mga diyaryo.  Matagal niyang titingnan ang mga ito. Lalabas siya sa kaliwang labasan ng entablado.  Ilang sandali ay papasok din siya at aayusin ang magulong sala:  itatayo ang natumbang upuan, ilalagay sa tamang lugar ang lamesita, pupulutin at ilalapag sa lamesita ang mga diyaryo, ilalagay sa gitna ng lamesita ang ash tray.  Uupo.  Ilang sandali lang at muli siyang tatayo at hahakbang sa likuran ng sofa.  Magtitimpla ng kape.  Uupo.  Ilalapag sa lamesita ang kape.  Bubuklatin ang diyaryo.  Paulit-ulit.  Iinom ng kape.  Kukunin sa bulsa ang lighter.  Ilalabas ang isang kaha ng sigarilyo.  Sisindi ng sigarilyo.  Bubuklatin ang diyaryo.  Paulit-ulit. Iinom ng kape.  Hihitit ng sigarilyo.  Ilalapag ang diyaryo sa lamesita.  Bubuklatin ang diyaryo.  Papasok mula sa kanang bahagi ng entablado si Jun.  Mapapatingin sa maayos na lamesita. Didiretso sa kaliwang labasan ng entablado.  Bubuklatin ni Benny ang diyaryo.  Paulit-ulit.    Iinom ng kape.  Hihitit ng sigarilyo.  Bubuklatin ang diyaryo.  Paulit-ulit.   Papasok si Jun mula sa kaliwang bahagi ng entablado na may bitbit na mga libro, nakasuot ng bagong polo pero halata pa ring basa ng pawis.  Dire-diretso ang kanyang paghakbang palabas ng kanang bahagi ng entablado.)

BENNY: Nasaan na ang ating mga pusa, Jun?
JUN: Itinapon ko na, Tito.
BENNY: Bakit?
JUN: Hindi ko gustong makita sila dito na palaging nag-aaway, nag-aagawan ng pagkain, naghahabulan sa ating sala---dito pa sa sofa natutulog...tumatae kahit saan, nag-iingaw tuwing gabi -- hindi nila ako pinatutulog, Tito.
BENNY: Hindi ka ba naawa sa kanila? (Hihitit ng sigarilyo si Benny)
JUN: Bakit sila!? Naawa ba sila sa akin?  Ako ang tagatrapo ng kanilang mga tae. 
Iniistorbo pa nila ang aking pagtulog!
BENNY: Di ba ikaw din ang nagdala sa kanila dito?              
JUN: Oo.
BENNY: At ikaw rin ang magtataboy?
JUN: Hindi ko naman kasi naisip ang perwisyong maibibigay nila sa akin (saglit na
katahimikan) pito silang walang tigil sa pag-ingaw sa tabi ng daan, lahat payat, iniwan ng kung sinong walang awang...  dalawa lang sa kanila ang aking nadala dahil may bitbit akong bigas sa isang kamay... silang dalawa.... silang kaawa-awa ang hitsura ikumpara sa limang naiwan... silang aking isinalba---
BENNY: Na ngayo'y iyong itinaboy?
JUN: Wala na kasi akong alam na ibang gawin, Tito. (hahakbang palapit sa bintana)
Noong una, dalawa lang sila, tapos naging apat... naging pito... walo... sampu...
BENNY: Trese. (Hihitit ng sigarilyo si Benny)
JUN: Oo. (sandaling katahimikan; maririnig ang ingaw ng mga pusa) Noong una
nasasayahan pa ako dahil tuwing sa darating ako at maghuhubad ng sapatos, naglalaro sila sa aking mga paa.  Sa paggising ko meron akong hinihimas-himas habang nakikinig ng balita sa radyo.  (mapapatigil)  Ngunit nang kalaunan... nang dumami na sila, nawala na ang aking pagmamahal.  Makita ko lang ang isa sa kanila agad-agad na aakyat ang dugo sa aking ulo... palagi na lang silang nakakatikim ng sipa.
BENNY: Pagod ka lang siguro. (Papatayin ang sigarilyo, kukunin at bubuklatin ang
dyaryo, bubuklatin nangpaulit-ulit) 
JUN: Siguro. (uupo at sasandal sa sofa; ilalagay ang kanang paa sa kamay ng silya) 
Siguro pagod lang ako sa kaiisip. (titingala sa kisame).  Iniisip ko kasi kung talaga bang Law ang gusto kong kurso.  Iniisip ko kung sino ang nararapat kong kaibiganin.  (biglang tatayo at haharapin si Benny).  Natatakot ako, Tito.  Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa buhay ko.  Hindi ko alam kung magiging maligaya ba ako kung makakatulong ako sa aking kaptwatao.
BENNY: Di ba ikaw rin ang pumili ng kursong iyan?
(Tatayo si Jun at hahakbang sa may likuran ni Benny.)
JUN:  Sinunod ko lang naman ang sinabi mo na ang taong binigyan ng talino ay
kailangang magbayad sa pamamagitan ng pagtulong sa kanyang kapwatao, (hahakbang si Jun papuntang bintana, babalikid kay Benny) 'Yan ang rason kung bakit gusto kung maging abogado.
BENNY (pasigaw): At 'yan rin ang rason kung bakit andito ka ngayon!
            (Katahimikan.  Walang gagalaw sa kanilang dalawa.)
JUN (mahinang boses): Oo. (maririnig ang ingaw ng mga pusa)  Dalawampu’t isang
taon na ang nakalipas nang iwan ako sa pintuan ng bahay mo na nakabalot sa lampin.  Iniwan ng hindi nakikilalang ina---at hindi na talaga gustong magpakilala pa.  (ilalagay ang mga kamay sa tiyan na parang nakakaramdam ng pananakit.)  Kilala ka na noon sa radyo kaya---
BENNY: Kaya hindi nagkamali ang 'yong ina sa pagpili ng tao na aaruga sa iyo,
magpapakain sa 'yo, magbibihis sa 'yo, makapag-
JUN: Makapagpaaral sa akin.
BENNY: Pinapag-aral kita, oo pinapag-aral kita. (katahimikan) Namumuhay lang
akong mag-isa noon.  Walang ama,walang ina, walang mga kapatid.  Dahil sa ‘yo nag-aral akong muli.  Iniwan ko ang trabaho sa radyo.  Ang aking suweldo sa radyo ay kulang para sa ating dalawa.  Nakapagtrabaho ako sa bangko. Pagkalipas ng limang taon, manedyer na ako.  Hindi ko alam kung pasasalamatan kita o magagalit ako sa 'yo dahil inagaw mo ang aking kaligayahan.
JUN: Ang iyong pagsasakripisyo para sa aking kapakanan.  Paano ko malilimutan e
makailang beses mo nang naikuwento ‘yan.  Lalo na nitong mga nakaraang araw!
BENNY: Kailangan kong gawin 'yan dahil alam ko kung anong klaseng lipunan
meron tayo.  Alam ko rin kung anong klaseng henerasyon andidiyan ka ngayon. (sisigaw) Ilang beses ko na bang sabihin sa 'yo na huwag kang sumama sa kanila!
JUN: Tinuruan mo akong sumunod?
BENNY (mahinang boses) : Oo.
JUN: Tinuruan mo akong sumunod pero nalimutan mo akong turuang mag-isip. 
Nalimutan mong meron din akong sariling pag-iisip.
BENNY (malakas na boses): Kung hindi kita tinuruang sumunod, e saan ka na sana
Ngayon!?  Hindi ka na sana nakatuntong ng Law.  Maniwala ka sa akin, nadaanan ko na ang dinadaanan mo ngayon.
JUN: Pero naging maligaya ka ba?
BENNY (malakas na boses): Wala ka na sana rito ngayon kung hindi ko sinunod ang
aking puso! (saglit na hihinto)  Oo hindi ako naging maligaya dahil pinatay ko ang aking kaligayahan pero ang kapalit ng nawalang kaligayahan ay isang buhay.
JUN: Buhay na tulad rin ng sa 'yo.  Buhay na walang kaligayahan. (Matagal na
katahimikan.  Hahawakan ni Benny ang diyaryo at titingin sa may bintana.)
BENNY: Ilang taon ka na, Jun?
JUN: Beynte uno.
BENNY: Bata ka pa.  Marami ka pang dapat malaman sa mundo. (iinumin ang kape,
dahan-dahang ilalapag sa lamesita ang tasa) Nang andiyan ako sa edad na 'yan gusto ko ring gawin ang gusto kong gawin - ang lumaban.  Oo lumaban ako, pero wala akong nagawa.  Malakas silang masyado, Jun.
JUN (may pagtataka): Sino ‘sila’, Tito?
BENNY: Sila ay hindi mo makikilala.  Kahit ako hindi ko sila kilala.  Pero
mararamdaman mo sila, Jun.  Mararamdaman mo ang kanilang paglapit, ang kanilang unti-unting pagsakal ng iyong leeg, ang kanilang unti-unting pagpatay sa iyo.
JUN (tatayo):  Hindi ko maintindihan ang mga pinagsasabi mo.
BENNY:         Dahil beynte uno ka pa lang.  Maiintindihan mo lang kung marating mo na
ang tamang edad... pero sa oras na maintindihan mo ay hindi mo na makukuha ang kanilang mga kamay sa iyong leeg.  Doon mo na mararamdaman ang pagdating ng iyong kamatayan---ang iyong dahan-dahang kamatayan.
JUN (pasigaw): Hindi! Hindi sila magtatagumpay sa akin!  Lalabanan ko sila. 
Lalabanan ko sila hanggang sa huling pusnga ng aking ginhawa! 
(Mapapatitig si Benny kay Jun.  Mapapatitig siya sa malamig na kape) 
BENNY: Malakas sila, Jun. Wala pa akong kilala na nakatalo sa kanila.
(Ilalapit Benny ang mukha sa tasa ng kape, si Jun naman ay tatayo at walang tigil na itataas-ibababa ang kamay.)
JUN (pasigaw): Ako!  Ako pa lang ang mananalo laban sa kanila!  Ako pa lang.
(mapapangiti) Mula ngayon isasara ko na ang aking puso at ang gagamitin ko na lamang ay ang aking isipan.  Mula ngayon ako ay mabubuhay kasama ang aking sarili lamang!  Mabubuhay akong hindi umaasa sa tulong ng ibang tao.  Mabubuhay ako sa buhay na aking pinili.  (tatawa)
BENNY: Anong ibig mong sabihin, Jun?.
JUN: Hindi na ako magpapatuloy ng aking pag-aaral, Tito. (tatawa) Hindi na ako mag-
aabogado.  Aalisin ko na rin sa aking isipan ang pagtulong. 
BENNY (mapapaupo): Kahit mamatay pa siya?
JUN: Oo, Tito. Oo, kahit mamatay pa siya.  Hindi ko isasakripisyo ang sarili kong
kaligayahan kapalit ng kanyang buhay.  Oo, Tito, kung ako lang ang naging ikaw, hindi ko pupulutin ang sanggol na iniwan sa pintuan ng aking bahay.  Pababayaan ko na lang siyang mamatay!
BENNY (nagmamakaawa): Hindi ‘yan ang ibig mong sabihin.
JUN: Oo, Tito, pababayaan ko na lang siyang mamatay. (hahakbang at uupo sa sofa, 
iinumin ang malamig na kape)  Pababayaan ko siyang mamatay dahil alam kong siya ay isa lamang sa libu-libong tao na aking masasalba...anawnser ka noon sa radyo, Tito.  Mahal mo ang iyong trabaho.  (guguluhin ang mga nakalagay sa lamesita:  diyaryo, ash tray, sigarilyo, lighter)  Kayat hindi ka mabibili ng kung sinong gustong dumihan ang iyong pagkatao.  Kayat wala silang lakas na pahintuin ka sa pagsasabi sa mga tao tungkol sa kanilang mga masasamang ginagawa.  Isipin mo kung ilang libong tao ang masasalba mo kung maibubulgar mo sa radyo ang perang kinurakot ng mga empleyado ng gobyerno.  Wala ka na sanang makikitang mga batang busdik ang mga tiyan.  Wala ka na sanang makikitang tulay na napuputol at kinakahulugan ng mga pampasaherong sasakyan.  Wala ka na sanang makikitang namamalimos sa daan.  Wala ka na sanang maaamoy na baho sa ating mga tindahan.  Wala ka na sanang makikitang motorsiklong natutumba sa ating lubak-lubak na daan.  Wala ka na sanang makikitang dilim, Tito!  (katahimikan.  Uupo si Jun at tatayo naman si Benny.  Titigan ni Benny ang ginulong mga bagay sa lamesita.  Aayusin ang mga ito.  Maririnig ang ingaw ng mga pusa.  Uupo si Benny.
BENNY: Akala ko ba'y itinapon mo na sa malayo ang ating mga pusa?
(Guguluhin ni Jun ang mga bagay-bagay sa lamesita at tatakbo sa may
bintana)
JUN: Nagkamali ako. (lilingunin si Benny)  Ngayon ko lang nalaman na kapag ang
isang tao ay lalayo nang lalayo sa mga taong nangangailangan ng kanyang tulong, lalapit nang lalapit sila sa kanya.  Tulad ng mga pusang iyan na itinapon ko sa malayong lugar.
BENNY: Pero kahit takpan mo pa ang kanilang mga mata maaamoy ka pa rin nila,
Jun.
JUN: Pero alam ko na kung anong gagawin ko sa kanila.  Alam ko na!
BENNY: Ano? 
(Titingnan ni Jun si Benny at tapos ay nakangising tatakbo palabas ng entablado.  Maiiwan si Benny na nakatingin sa pintuang nilabasan ni Jun.  Tatapunan niya ng tingin ang mga nakakalat na mga bagay-bagay. Dahan-dahang pupulutin ang lighter.  Uupo sa sofa.  Pipitikin ang lighter.  Aapoy ito.  Tititigan ang apoy.  Magsisindi ng sigarilyo.  Hihitit.  Kukunin sa bibig.  Ipapalabas sa ilong ang aso.  Hihitit uli.  Biglang mapapahinto.  Dali-daling papatayin ang sigarilyo sa ash tray at papasok sa kanang labasan ng entablado.
            Papasok si Jun na tumatawa.  Duguan ang suot na damit at pantalon.) 

JUN: Tito!  Tito Benny! Tito, malaya na ako.  (tatawa) Nakuha ko na ang kanilang
mga kamay sa aking leeg.  Nanalo ako laban sa kanila, Tito!  Nanalo ako! (tatawa nang malakas; lalabas sa kuwarto si Benny bitbit ang .38 kalibreng baril sa kanang kamay.)  Tito nagkamali ka nang sabihin mong matatalo nila ako.  Nanalo ako, Tito!  (tatawa) Nanalo ako! (tututukan siya ng baril ni Benny) Ti--Tito, a-a-ano ang ibig sabihin ni---(babarilin ni Benny si Jun at matutumba ito.)
 BENNY (habang nakatitig sa baril): Hindi lang ikaw ang nanalo, Jun, ako rin.  Ako
rin, Jun!  Ako rin!  Nanalo rin ako! (tatawa nang malakas habang tinititigan ang baril sa kamay)

Eksakto alas sais ng gabi.a

(Itututok ni Benny ang baril sa ulo. Mamamatay ang ilaw.  Maririnig ang putok ng baril at maririnig ang pagbagsak ng katawan sa sahig.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento